Kasabawan... Kaisipan... Kamalayan... KALAYAAN!!!
Matagal-tagal na din akong hindi nakapag-blog. Matagal din akong nawala sa harap ng laptop, salamat sa cellphone na may WiFi. Kaya hindi na din ako nakakapag-blog, hindi ko din magawa doon. Naging busy din ako sa huling semester na napagdaanan ko. Madami akong nais ikuwento, pero next time nalang. HAHA! Or wag nalang, baka tamarin lang kayong magbasa. Pero nitong nakaraan lang, may mga pangyayari kung saan "natalo" ata ako sa isang "debate" o isang usapan, hindi ko alam. Basta hindi ko lang siguro nagustuhan, naibigan ang nangyari na yun. "Usapin" siya na tungkol sa relihiyon(haaaaaay.....), ang usaping walang hanggan, kung saan walang tamang sagot ang makakapagtapos sa usapin na ito. Personal na usapin ito sa iba, sa akin. Madalas, pambabatikos ang sasapitin ng usapin na ito, o minsan naman ay tungkol sa pagkakapareho natin. Marami tayong pananaw, pinaniniwalaan. Oo naiiba tayo sa isa't isa, sa lahi, wika, kulay, sa diyos na sinasamba, pananaw sa tama at mali.
Eh ano nga ba kasi ang nais nating patunayan tuwing pinagdedebatihan natin ang usaping ito? Ano nga bang mapapala natin?
Ewan ko. Kung sa totoo lang, hindi ko maintindihan kung bakit nga ba natin ipinagpipilitan kung sino ba talaga ang mga "anak ng diyos", "ang mga taong isasalba ng diyos", "mga makakasalanan", "ang tunay na mahal ng diyos", at tama't mali, "ang tunay na relihiyon", kahit na ang "existence ng diyos", etc. Maraming butas ang bawat relihiyon. Tulad nalang nung isang nakausap ko nung isang araw tungkol sa usaping ito, gamit ang kanyang lohikal na pag-iisip, bakit nga daw ba hindi pinagaling ni Hesukristo ang mga napuputulan ng parte ng katawan. Bakit daw may impyerno? Bakit hindi nalang daw sirain ito ng Diyos? Bakit Niya daw tayo ipinapatapon sa impyerno kahit naniniwala tayo na ang Diyos ay tunay na pagmamahal, mapagpatawad, walang pinipili, makasalanan man o mabait. Nasaan nga ba daw ang free-will, o ang malayang pagpili kung nung bata ka palang ay nabinyagan ka na bilang isang katoliko, ibig sabihin daw ay kagustuhan ito ng iyong mga magulang. Marami pa siyang nasabi, hindi ko nalang matandaan. Nag-init ang tenga ko din sa mga sinasabi niya patungkol sa pinaniniwalaan ko. Kahit ang pagsama ko sa ecumenical organization ko ay nabanggit niya, na mas pinili ko daw iyon kaysa sa music video na isinagawa ng theater organization ko, na mistulang once-in-a-lifetime lamang mangyayari. Hindi ko maiwasang makaramdam ng galit siyempre. Ngunit pinilit ko nalang na hindi na lamang magsalita. Para lang akong magbubuhos ng gasolina sa isang apoy na malakas nang lumiliyab. Iisa na lamang ang nasabi ko...
"Bakit hindi nalang natin pag-usapan ang mga pagkakapareho natin, imbis na ang pagkakaiba natin..." (not the exact words)
Pero parang ganun nalang ang sinabi ko. Oo nga, mahirap mahalin ang kaaway, pero naramdaman ko na hindi kami nagkasundo talaga sa bagay na yun. Hindi ko din naman hilig makipagdebate rin talaga. Siguro sa pagsulat, pwede pa. Hindi ko din naman siya masisisi, hindi ko din masasabi na mali siya, "nagbabahagi" lamang siya ng kanyang mga saloobin tungkol sa relihiyon ko. Kailangan ko daw palawakin pa ang isip ko. Nakakulong pa daw ako sa kahon ng aking relihiyon at ng org. ko. Ayun... Di ako nakasagot. Ewan, siguro nga natalo ako sa debate na iyon...
Hindi!!! Nagkakamali!!! Hindi ako natalo. Walang nanalo sa aming dalawa. Dahil nawala ang aming pagkakaisa! Nawala ang pagmamahalan sa kapwa!
Pero nakinig ako, inipon ko sa utak at puso ko din ang bawat sinabi nila. May pagkatotoo din naman. Mapapag-isipan din yung katotohanan sa bawat salita nila. Ayun, may napala naman, natuto ako, ewan ko kung natuto sila sa akin. Pero ewan ko. Ngayon, eto ang masasabi ko...
Iisa lamang ang pinaggalingan, iba't iba ang ating wika, kulay at landas...
Kahit anong mangyari, ganyan yan, hindi mo na mababago yan. Magkakaiba tayo. Pero iisa lang naman ang nais natin diba? Kapayapaan, Pagmamahalan, Pag-unawa, IISANG MUNDO. Kukutusan ko ang ayaw!!! HAHA! Pero seryoso!!! Sino nga bang taong may ayaw sa isang mundong nagkakaisa, nagmamahalan lahat ng tao? Imbis na pag-usapan natin ang pagkakaiba natin, bakit hindi nalang ang pagkakapareho natin? Gusto mo ng mundong iisa? Gusto ko din nun eh. Magkaisa tayo. Gusto mo ng kapayapaan? Gusto ko din nun eh, sila din, magkaisa tayo. Pagtulungan natin para makamit yun. Maaaring wala kang relihiyon, ngunit nais mo naman ang bagay na nabanggit ko sa taas, kasali ka pa din. Ganun lang naman yun eh. Dahil ang pagkakaiba natin sa bawat isa ay hindi na matatanggal yun, at maaaring ito din ang naghihiwalay at naglalagay ng pader sa ating upang hindi tayo magkaisa. Respeto ang ibigay mo, ibabalik din naman sayo yun. Mahalin mo ang iba gaya ng pagmamahal mo sa sarili mo. Iisa lang din tayo kung tutuusin, lahat naman tayo ay tao eh, kahit ang mga taong itinuturing nating mga hayop ay tao din. Oo, mahirap magmahal sa kapwa lalo kapag hindi naman mabait yung kapwa mo, magpatuloy ka lang, makikita niya din yun sa'yo, gagayahin ka din nun. Kung hindi man, kausapin mo. Kapag ayaw pa din, ewan ko na.
Hindi na importante kung sino ang ililigtas ng diyos, kung sino ang makasalanan, kung sino ang mas pinagpala ng diyos, kung gusto mo ng iisang mundo, mahalin mo ang lahat ng taong makakasalimuha, madadaanan, at makikilala mo sa araw-araw.
...at magkaibigan pa din kami nun. Dahil magkaibigan kami eh. HAHA!