Wednesday, September 10, 2014

Ang Aking Hamon sa bawat Artista at Manonood

Kasabawan... Kaisipan... Kamalayan... KALAYAAN!!!




Marami na din akong nakasalamuha na mga artista, propesyunal man o estudyante, sikat at hindi, mayaman at dukha, matalino at... well... hindi ganun katalino, magaling at hindi, mabait at masungit(or mayabang, mapagmataas, etc). Nakalahok na din ako't nakanood ng mga pagtatanghal, sa eskwela man at sa labas. At talaga nga namang masasabi ko na ang teatro nga naman ay talagang sumasalamin sa realidad ng buhay na may mga dalang saya, lungkot, at higit sa lahat, aral. Nais kong talakayin ngayon kung ano nga ba ang linalaman ng salitang aral, at malamang sa malamang, nakapag-aral ka man o hindi ay alam mo ito dahil sa araw-araw na buhay ay meron kang napupulot na aral, mapa-tambay ka man, lasinggero, DOTA adik, kriminal, politiko, hmm... Kriminal... Politiko... Kriminal, at kung ano pa man ikaw, mayroon kang aral na napupulot sa araw-araw. 


Eh teka, ano nga ba ang nais kong sabihin ngayon sa blog na ito? Hmm...


Alam ko naman na walang perpekto sa mundo, ngunit naniniwala ako sa kaibuturan ng aking puso na ang tao'y dapat mayroong isang salita. Kung ano ang sinabi niya'y dapat mangyari. Kung ano ang sinasabi ay siya ding dapat gawin. Kasi kung wala ka nga namang isang salita, eh wala kang friends, forever alone ka boy. Hindi ka uunlad sa buhay mo, pamilya mo, trabaho, sa tahanan, at higit sa lahat ay sa sarili mo. Sa madaling salita, linoloko mo lamang ang sarili mo at ang mga tao sa paligid mo kapag wala kang isang salita.


So ano nga kasi ang gusto kong sabihin?


Lahat naman na tayo siguro ay nakanood na ng teleserye, pelikula, maaaring ang iba sa inyo ay hindi pa nakakanood ng stage play sa buong buhay niyo(pwes, ngayon na ang tamang oras! Manood ka na! IBANG EXPERIENCE YAN!), at sigurado naman ako na sa bawat napapanood niyo ay may napupulot na aral, mapakomedya man yan, drama, aksyon, pantasya, mula sa pelikula ni Fernando Poe, Jr. at Rico Yan, Wawee De Guzman at Judy Ann Santos, Vilma Santos, hanggang sa mga kasalukuyang teleserye ngayon sa Dos na ayaw pang tapusin kahit sobrang haba na ng plot nito sa kadahilanang maraming gusto magkomersyal sa time slot na iyon at mataas ang ratings, at sa mga walang kagaling-galing na mga pelikula ngayon ni Vi... G... Da... at nina Vi.... S... ehem, eh sigurado namang may naidudulot pa din silang aral sa inyo, korny man o ito o malalim, obvious man ito o hindi, aral pa din ito. Hindi ako nagmamagaling, ngunit tinuruan lamang ako kung ano ang maganda at kung ano ang pangit. Kung napangitan ka man, sisihin mo ang mga executive producer o ang mga "tao sa taas" na pumapayag na ilabas ang mga mababang kalidad na mga pelikula na tila ilang taon na ding ginagawang tanga ang mga manonood. Huwag natin sisihin ang mga direktor sapagkat napakarami nating direktor na magagaling at mahusay sa paggawa ng pelikula, at ang Cinemalaya ang patunay dito. Siyempre, ano nga ba ang imik ng mga magagaling nating direktor kung laging ang nais ng mga "tao sa taas" ay ikulong ang utak ng bawat Pilipinong manonood sa mga slapstick na comedy, mga horror films na halatang dinaan lang sa maraming special effects at nabalewala na ang storya, at mga love story na alam na alam na natin ang mangyayari dahil sa walang pagbabago sa anyo at/o tema.


Ang mga artista sa teatro at TV, pati na rin ang mga taong nasa likod nito, ay may mga ginagampanang mga papel, mapakontrabida man o bida, ekstra, cameo role, hi character man o low character, stunt man etc. lahat sila'y nagsasama-sama upang ipagbuklod ang mga angking talento at gumawa ng isang palabas upang maghandog ng aral sa kanilang mga magiging manonood. Pinagpuyatan at pinagpaguran nila iyon para lamang sa inyo.



Pero hindi kayo ang nais kong talakayin dito kundi ang mga artista natin sa kasalukuyan na tila'y kinain nang tuluyan ng yabang at kasikatan, salapi, at mga taong bumabati at nagpapapiktsur sa kanila palagi. Isa sa mga natutunan ko nung ako'y nasa kolehiyo pa, na ang pag-arte ay ang pagpapapasok ng bagong karakter o ang karakter na nakalaan para sa'yo. Ibig sabihin, ikaw ang bawat salita ng karakter na iyon, ang kanyang mga naririnig, nararamdaman, nakikita, nalalasahan, ikaw iyon sa katayuan ng ibang karakter. Ang karakter mo at ikaw ay nagiging isa. Ngayon, kung totoo ang nabanggit ko kanina na ang aral ay napupulot sa araw-araw, sa bawat palabas na pinapanood mo, at ikaw din ang karakter na ginagampanan mo, at kung naniniwala ka man sa "isang salita", bakit nga ba hindi natin dalhin sa realidad ang mga aral na natututunan natin sa bawat palabas na ating napanood at/o kinabilangan natin at isabuhay ito panghabang-buhay?  


Maaaring niyong sabihin na isa din akong tao na hindi kayang gawin ang aking mga sinasabi sa blog na ito, ngunit ang maiabot sa inyo ang aking mensahe ay ang layunin ko ngayon. Nariyan ang mga tao katulad ng mga direktor, writer, aktor, at mga taong nasa likod ng kamera o entablado na naglaan ng oras, lakas, pera, pawis, dugo, at talento para lamang maihandog sa'yo ang mga aral sa buhay na nais nilang ibahagi sa iyo. Huwag sana nating ibalewala at kalimutan ang mga iyon, kundi ay parang binalewala na din natin ang kanilang mga pagod at hirap na dinanas. Oo, maaaring nating sabihin na kumita naman sila sa inyo, mga manonood, ngunit ang kanilang layunin ay mamamatay kung hindi natin isasabuhay ang kanilang aral na inihandog sa mundo. Naniniwala ako na hindi lahat ng direktor at mga artista, sa TV man o sa larangan ng sining, ay nabubuhay lamang sa salapi, ang iba sa kanila'y nabubuhay sa kung papaano nila nakikitang masaya ang kanilang mga manonood o ang kanilang mga audience na sa bawat nililikha nilang mga gawa ay kahit papaano'y nabago nila ang buhay ng iba, bahagya man o tuluyan.. Hindi pa sila nauubos. Sila ang mga taong may paninindigan, may ipinaglalaban, may simulain sa buhay. At hindi dahilan ang hindi pagiging perpektong tao, dahil ikaw ay ginawa ng Taas na perpekto!



Huwag maging manhid!
Huwag matakot sa pagbabago! 
Mainstream Filipino Movies, umunlad ka!


Ika'y mabuhay sa mga aral ng buhay!

No comments: