Monday, August 19, 2013

Ang Buhos ng Ulan ay Pagbuhos ng Luha sa Iba

Kasabawan... Kaisipan... Kamalayan... KALAYAAN!!!


Ipanalanging walang pasok bukas ay ibig sabihin na hindi pa sana tumigil ang ulan hangga't sa sabihin mo na na handa ka nang pumasok ulit. WALANG PASOK HABANG MAY BAGYO MEANS SANA HUMABA PA ANG PANAHON NG ULAN...

Ewan ko ah... Siguro dahil ay marami lang akong gagawin ngayong linggo ay mapait ang pakiramdam ko tuwing magkakansela ng klase. Pero naisip ko din, hindi pala ako nag-iisa. May mga tao nga palang mas malala pa ang sitwasyon o kalagayan kaysa sa kung ano ang kalagayan ko ngayon, at sigurado akong yung ibang tao din diyan sa News Feed niyo na humihiling at tuwang-tuwa na wala silang pasok kinabukasan...


Bago mo hilingin na walang pasok...

Isipin mo yung ibang mga probinsya na labi na nasasalanta ng baha, mga taong nasisira o nalulubog ang tirahan dahil sa walang tigil na pagbuhos ng malakas na ulan sa kanilang lugar. Isipin mo yung mga taong nawawalan ng mga ari-arian dahil sa tinatangay ng baha ang kanilang mga kasangkapan at kagamitan sa bahay na itinuturing nilang kayamanan. Marami sa kanila ang kinakailangang lumikas sa mga mas matataas na lugar, sa mga evacuation areas, o sa mga paaralan, at magpapalipas doon ng gabi habang nagsisiksikan at nagpupunuan ang mga establisiyamentong tinitirhan nila. Isipin nalang natin na ikaw ang nasa kalagayan nila, ang pagkawala ng sariling bahay ay ang pagkawala ng kwarter ng sarili at pagkatao.


Bago mo hilingin na walang pasok...


Isipin mo yung ibang estudyante na itinuring na na ang edukasyon ay kayamanan, tipong ang nais lamang ay makapagtapos at makatulong sa magulang. Isipin mo yung mga bata na ilang beses nang naantala ang kanilang pag-abot sa kanilang mga pangarap dahil nga sa iba't ibang dahilan, at kabilang na din dito ang natural na kalamidad. Isipin nalang natin na ikaw ang nasa kalagayan nila, labis mo nang abutin ang bagay na iyon ngunit dahil sa maling paghiling ng ibang tao sa mga pangyayari ay nangyayari ang "kamalasan" sa kanilang buhay.


Bago mo hilingin na walang pasok...

Floods
Isipin mo yung mga estudyante sa kolehiyo na may nais sanang tapusin na trabaho, may mga kailangang ipasang mga project bago ang deadline, mga school works at activities na nais sanang mangyari at matapos dahil sa marami din silang gagawing trabaho sa mga susunod pang araw. Isipin mo yung mga estudyante na kakailangan pa tuloy umattend ng mga make-up class dahil nga sa naantala ang mga subject na dapat sana ay ituturo nung mga araw na nagsuspinde ng klase. Isipin nalang natin na ikaw ang nasa kalagayan nila, nang dahil sa bagyo ay kinakailangan tuloy nilang sagarin ang kanilang mga kilay dahil sa mas bibigat ang kailangan nila aralin o trabahuin.


Bago mo hilingin na walang pasok...

Isipin mo muna yung mga taong nagtatrabaho sa ospital na hindi tuloy makakauwi dahil sa malakas na ulan at baha na sa kanilang dadaanan. Isipin mo yung mga government offices, dahil sa dasal mo na mawala ang klase, maaantala tuloy ang kanilang mga trabaho. Dahil din sa baha ay magkakalat ang basurang itinapon natin na lilinisin ng mga street sweepers. Magiging doble tuloy ang kanilang mga trabaho pagsapit ng muling araw ng trabaho upang makahabol sa mga deadline ng kanilang mga papeles at gawain. Mas magtatrabaho sila, mas magpapagod, mas mawawalan ng oras sa pamilya. Isipin nalang natin na ikaw ang nasa kalagayan nila, isipin mo lang.




Bago mo hilingin na walang pasok...

Isipin mo nalang ang mga nagtatrabaho sa daan katulad ng mga bus, jeep, taxi, mga takatak, tindera sa tabi, mga naglalako ng mga kung anu-ano pang mga bagay, pagkain, sa daan, na kakailanganing magtrabaho pa din at kumayod sa likod ng malakas na ulan, baha na may mga dala-dalang sakit. Dahil nga sa bagyo, hindi magiging maganda ang pasada o benta nila, na sana'y mapupunta sa pagpapaaral sa kanilang mga anak, pambayad sa tubig, sa kuryente, sa cable(kung hindi naka-jumper), at sa renta sa bahay(kung rumerenta lamang ng tirahan). Isipin din natin yung mga nagtatrabaho bilang labandera, matatagalan ang pagpapatuyo sa kanilang mga labahin... Isipin nalang natin na ikaw ang nasa kalagayan nila, oo, mga maliliit lamang siguro to na bagay at normal na nangyayari, pero sa likod ng kahilingan natin na walang pasok ay hindi ito nakakatuwa para sa ibang tao.




Marami pang iba, hindi lamang iyan... Hindi ako perpektong tao upang magsabi ng mga ganito, ngunit siguro ay tinuruan lamang akong mapansin at makapagtanto ng mga bagay na mas isipin ang iba kaysa ang sarili. Hindi ko naman sinasabi na magluksa tayo tuwing walang pasok, isipin, unawain, at pagnilay-nilayan kung ano nga ba ang nangyayari sa ating kapwa at sa ating kapaligiran tuwing walang pasok. Siguro iwasan nalang natin hilingin na walang pasok at magdiwang na walang pasok. Kung walang pasok dahil sa bagyo, magpahinga, manood ng balita at alamin ang nangyayari sa bansa, alamin ang mga kailangang gawin na trabaho, at magdasal. Ipagdasal ang mga taong labis na nasasalanta ng bagyo, mga taong nahihirapan dahil sa bagyo, mga taong nagtatrabaho at kailangan pa ding magtrabaho kahit may bagyo, etc.


Iwasang isipin ang sariling-kasiyahan, bagkus ay isipin natin ang ikakasaya at ikagiginhawa ng ating kapwa. Doon natin mahahanap ang isa sa mga tunay na kaligayahan sa buhay.