Dear Pastor Felizardo Abanto,
Magandang araw po, Pastor Felizardo! Ako po si Cocoy Dulce. Isang alagad teatro, alagad ng Diyos. Isa po akong liberal, ibig sabihin po'y bukas ang aking isipan. Naniniwala ako sa bibliya, sa relihiyon ko bilang isang Katoliko, ngunit naniniwala din sa universal truth, ang katotohanan na umaayon sa lahat, hindi lamang sa pananaw ng relihiyon. Hindi din po ako perpekto, ngunit alam ko po ang maganda sa pangit.
(source: http://www.fashionpulis.com/2015/01/fb-scoop-pastor-says-pope-francis.html)
Nabasa ko po sa balita sa internet ang isyu hinggil sa pagpo-post niyo ng status hinggil sa pagbabanggit ng mga hindi magagandang mga salita tungkol sa Santo Papa, ang lider ng Simbahang Katoliko. Napakarami po ang nagsalita laban sa inyo, at karamihan ay mga katoliko, may ibang mga muslim, may mga atheist, na nagbigay ng kanilang saloobin. Marami po akong nabasa na talagang binastos din ang relihiyong Baptist Church sa galit.
Ngayon, ang mga wiwikain ko po sa inyo ay hindi base sa aking relihiyon, o sa bibliya. Manggagaling po ang lahat ng ito sa aking puso, sa aking isip, at sa aking pananaw.
Ngunit hindi ko po mawari ang dahilan kung bakit niyo po kailangang magsabi ng masasamang bagay sa ibang tao, lalo na sa pinakataas na lider ng Simbahang Katoliko, isa sa mga pinaka-impluwensyal na tao sa mundo? Bilang isang pastor ng isang sekta, sa tingin ko po ay sila dapat ang nangunguna sa pagiging isang mabuting ehemplo sa kanyang mga taga-sunod, hindi nangunguna sa kahihiyan. Ang Santo Papa po ay nagbigay-inspirasyon sa karamihan. Muling hinikayat ang mga taong hindi na nagsisimba na magsimbang muli. Pinaharap ang mga dating tumalikda sa kanilang pananampalataya. Binuksan ang isipan ng mga taong hindi naniniwala sa kahit anong relihiyon. Nagbigay-lakas sa mga mahihirap, mga naaapi, mga naghahapis. Siya po'y isang taong nagbibigay-inspirasyon sa lahat ng mga tao. May relihiyon man o wala. Maaari niyo pong sabihin na wala ka namang pakialam sa sinasabi nila, dahil alam ko po na naniniwala kayo na ang relihiyon niyo po ang tamang relihiyon, wala nang iba. Ang pagsamba ng mga tao sa mga kapwa tao ay isang kasalanan, tanging ang Panginoon lamang ang nararapat na sambahin. Tama po kayo. Naniniwala po ako doon.
Naniniwala po a ko sa sinabi niyang "You don't have to have a religion to go to heaven". Hindi natin kailangan pumabilang sa anong relihiyon upang mapunta sa "langit". Wala namang tao ang may alam kung nasaan ang "langit", hindi po ba.
Respeto at pagkatawan... Ito ang dalawang salita na pumasok sa isip ko nung nabasa ko ang inyong Facebook status.
- Respeto - Eto ang sa tingin ko ang kulang sa lahat ng tao sa mundo. Respeto. Respeto sa relihiyon ng iba, at respeto sa pananaw ng iba, may relihiyon man o wala. Ang labindalawang apostol ni Jesus ay sumama kay Jesus dahil may respeto sila sa Kanya bilang isang tao. Hindi naman nila kilala Iyon sa unang beses. Sumama sila dahil nakuha nila ang kanilang respeto. Ang kadalasang naging ugat ng mga giyera sa mundo ay hindi dahil sa pagkakaiba nila sa relihiyon, kundi ang respeto sa kanila bilang tao. Ito din ang dahilan kung bakit pinagtatawanan tayo ng ibang mga tao dahil tayo'y mga kristiyano, dahil sa pagpipilit natin sa ibang tao na maniwala sa pinaniniwalaan mo, na sa tingin ko'y isang kagaguhan. Dahil walang sinuman ang pwedeng magsabi na mali ang pananampalataya ng isang tao. Oo, tayo ay naatasang magparami, ngunit ang hindi natin matanggap na ang tao'y nagiging radikal, mas nag-iisip na. At hindi natin ito problema. Walang sinuman ang pwedeng magsabi kung sino ang mapupunta sa impyerno dahil sa kanyang paniniwala. Kapayapaan at Pagmamahal ang ating relihiyon! Bakit natin kailangang magparami sa ating sekta kung kaya naman nating mabuhay ng nagkakaisa. Oo, nagkakaisa, may respeto sa bawat relihiyon. Hindi ito imposible.
- Pagkatawan - Sa ingles, "representation". Tayo ay nagrerepresenta sa ating relihiyon, sa ating pamilya, sa ating sarili, at sa ating pag-iisip. Totoo po ang konspeto ng domino effect. Dahil po sa tatlong facebook status na pinost ninyo na bumabastos sa lider ng simbahan, ang buong relihiyon po ng Baptist Church ay hinusgahan na mapanira, bastos, masamang-asal, etc. Kinuwestiyon din po ng mga tao ang pagiging pastor niyo sa simbahan ninyo. Paano daw naging pastor ang isang tao na may hindi magandag pag-uugali? Isa lang po ito sa mga tanong ng karamihan sa mga nakabasa ng mga news article. Nakakalungkot pong isipin na ngayon ay nahaharap ang buong simbahan ninyo sa panghuhusga ng mga katoliko, ng ibang relihiyon, at ng mga walang pananampalataya. Lahat ng kung sino mang naniniwala sa bibliya ay kumakatawan sa bibliya. Opo, imperpekto tayo, wala pong taong perpekto, kahit ang Santo Papa, ngunit ang mundo'y mapanghusga at iyon ang realidad ng buhay. Hindi po solusyon ang pagkawala ng pakialam sa mga mapanghusgang mga tao, ang solusyon ko po'y gawin kung ano ang nasasaad sa bibliya. Gawin kung ano ang sa tingin ay nararapat. Tayo po ay kumakatawan sa diyos na ating pinaniniwalaan. At ang isang pagkakamaling sinasadya, ay parang sinisira na din natin ang pangalan ng diyos sa ibang mga tao na hindi pa siya nakikilala ng lubusan.
Pastor Felizardo, hindi ko po intensyon ang magmarunong sa inyo o sa inyong relihiyon. Hindi din po ako naghahanap ng atensyon o papuri. Maaaring balewalain niyo po ito, ngunit mahalaga na rin na malaman ng ibang ang ganitong kaisipan ng pagkakaisa. Bagkus, ay nais ko pong makita ang mga relihiyon na namumuhay ng matiwasay, may respeto at pagmamahal sa isa't isa, at maging isang taong may magandang silbi sa lipunan. Totoo po na ang kasabihan na, "Kung walang magandang sasabihin ay mas mabuti pang tumahimik na lamang, pwera nalang kung ito'y ikabubuti ng ibang tao". Tumututol po ako sa mga pag-uugaling kabaligtaran ng iyon. Sino nga naman po ba ang taong hindi gusto ng mundong nagkakaisa? Ito lang po ay mga nanggaling sa lahat ng mga natututunan ko sa buhay. Hangad ko po ang makitang masaya at nagbabahagi ng salita ng Diyos sa karamihan. Mabuhay po tayo sa respeto't pagmamahal!
Gumagalang, Cocoy Dulce
Blogger, isipsabaw.blogspot.com