Friday, August 18, 2017

Patawad, Inang Bayan.


Patawad, Inang Bayan...

Dahil ang kalayaan mo ngayon ay walang linaw. Ang kalayaan na ipinaglaban ng iyong mga bayani sa panahon ng giyera. Ngayon ay nasa kasagsagan na naman kami ng giyera, ngunit ang mga sarili namin ang aming kalaban. Ang dugo ng iyong mga anak ay dumadanak sa iyong lupa, dahil ang iyong mga pinuno at manunupil, sa tingin nila ay ito ang tama. Ito raw ang sagot sa hindi matapos-tapos na problema sa pulbos na tumutunaw ng utak at kaluluwa. Patawad, dahil ang tunay na pagbabago ay hindi makamit, dahil tinatanggal nila ang pagkakataon na magbago ang mga pasaway mong anak. At ang tanging sagot daw sa kaguluhang ito ay ang pagkitil sa kanila.




Patawad, Inang Bayan...

Dahil ang iyong bandila ay ngayon nakababad sa dugo ng mga inosenteng Pilipino na hinalo sa dugo ng mga masasama. Naghalo ang kanilang mga dugo ngunit iisa lamang ang kulay nito. Kami ngayo'y nakakulong sa selda ng takot pangamba na baka kami'y mapagkamalang masamang-loob. Dahil sa kasulukuyang panahon po ay wala na atang sinisino ang iyong mga alagad ng batas, dahil sa bawat buhay ng kriminal na kanilang nakikitil ay may kapalit na salapi. Hindi ko po alam kung magkano nga ba ang presyo ng buhay namin. 



Patawad, Inang Bayan...

Dahil ang iba sa amin ngayon ay naniniwala sa pagpatay at kawalan ng hustisya. Dahil ang ilan sa amin ay sumasang-ayon sa pagkitil ng walang pag-ayon sa batas. At ngayon ang mga anak mo'y nagkakahati-hati dahil sa kanilang mga pananaw. Patawad po, dahil ang iba din sa kanila ay sa bibig lumalabas ang kanilang demokrasya, hindi sa puso at isipan. Naiintindihan ko po na bulag ang hustisya, ngunit po tila nag-iba na ang ibig sabihin.





Patawad, Inang Bayan...
Patawad dahil ganito ang kalagayan ng iyong bansa. Patawad...