Friday, March 30, 2012

Dear LRT

Kasabawan... Kaisipan... Kamalayan... KALAYAAN!!!


Dahil araw-araw ay April Fools ang peg ng LRT...


Dear LRT Management...






-Sana po ay maranasan niyo ang hirap ng pakikipagsiksikan sa tren sa tuwing papasok ka sa trabaho/eskwela, habang naamoy ang sari-saring amoy ng mga Pilipinong nagpapakahirap makipagsiksikan, makapagtrabaho lamang.


-Sana po, lahat ng ticket machine niyo ay gumagana. At 2012 na po, hindi ko pa rin po mainitndihan kung bakit hindi pa din tumatanggap ang inyong mga ticket machine ng mga baryang 2010 at 2011 na makintab. At sana din po ay tumatanggap na din sila ulit ng papel na pera.


-Sana po, maramdaman naman namin na bumabalik sa amin ang aming binabayad sa inyo sa pamamagitan ng pag-unlad at mas mapadali ang aming pagbiyahe. Ang dami niyo kayang kinikita araw-araw!!!


-Sana po, maging mas ligtas ang bawat platform ninyo. Bakit po hindi niyo subukang lagyan ng safety wall ang bawat platform, para walang nahuhulog na mga bagay at tao sa riles ng tren?


-Bakit po ba ninyo linagay ang riles sa tren sa taas? Bakit di niyo nalang linagay sa ilalim? Mahal ba ka niyo? Handa ba ninyong isakripisyo ang kaligtasan ng inyong mga pasahero para sa inyong sariling pagtitipid?


-Sawa na po ako sa mukha ni Ryan Bang.


-Karamihan po sa mga kababaihan at mga bading ang sobrang nakukyutan sa mga model ng Gatsby.


-Hindi po porket malamig sa labas ay kailangan ay sobrang init na sa loob ng tren. Pwede po bang gawing malamig pa din sa loob kahit konti?


-Sawa na po ako sa mga litrato ng ibang tao sa mga handle advertisements na nakikita din ng karamihan.


-Sana po yung mga sekyu niyo eh huwag lamang tusuk-tusukin lamang ang mga bag namin na napakahirap minsan buksan. At tungkol sa body inspection, sana hindi lang hinihimas yung mga likod namin. Para lamang sila nanghihipo.


-Sana po ay gumagana ang eskaleytor sa Legarda, yung eskaleytor na paakyat sa platform na papuntang Santolan. Hindi po lahat ng tao ay gustong mag-diet. Bigyan niyo naman po kami ng pagpipilian kung magda-diet at maghahagdan, o magpapataba at mag-eeskaleytor.


-Legarda po ang mayroong pinakamabagal na inspeksyon, sa kadahilanang kakaunti lamang ang mga sekyu doon.


-Napakalaki po ng Recto station, ano po bang balak niyo dun sa malaking espasyo doon?


-Kung pwede lang po eh mabugbog kahit sandali lamang ang mga drayber ng tren na bigla-bigla na lamang nagpapahinto ng tren at magsisipagliparan lahat ng pasahero ng tren, sabay announce ng "Magsihawak lamang po sa mga safety handrails". Disaster drill ba 'to?


-Memoryado na po namin ang inyong araw-araw na paalala sa loob ng tren at sa istasyon.


-Isa pong malaking kalokohan ang huwag sumandal sa magkabilang pintuan ng tren tuwing siksikan. Lahat po ng taong nakasandal dun ay palaging buwis-buhay. At kung hindi naman po siksikan, hindi po nila ito sinusunod.


-Napapaisip po ako minsan kung gumagana ba talaga ang mga pangkagipitang pambukas ng pinto.


-Kung alam niyo po na laging masikip ang mga tren, ibig sabihin, dapat niyong dalasan ang pagpapabyahe ng  mga skip train.


-Yung sinasabi po dun sa recorded announcement ninyo na "...wishing you a safe and convenient journey", hindi po ito natutupad. Isa po 'tong joke na hindi maganda,




------------------I'm sure, kulang pa 'tong mga nasabi ko. Mayroon pa sigurong nakikitang kalokohan ang ibang tao sa LRT. Takte mga dre na taga-LRT, ang yayaman niyo, ibalik niyo naman sa amin yung binabayad namin sa araw-araw. Next time nalang kayo magpayaman, ok lang? Down na down na ang mga taong gipit ngayon! Huwag na kayong sumabay!!!






                                                                                                                             Nagmamahal...
                                                                                                                       Cocoy, isang pasahero.

Thursday, March 15, 2012

Am I Going to Hell for This?

Kasabawan... Kaisipan... Kamalayan... KALAYAAN!!!


Kanina, bago ko lang isulat 'tong article na 'to, kakapanood ko lang nung video ni Jimmy Sc#$%^&*(limot ko yung spelling nung apelyido niya), yung "20 Reasons Why I Hate Philippines". Namulat din ako kahit papaano.

Sa lahat ng sinabi niya, sumasang-ayon ako, dahil nakita ko na din to sa kapaligiran ko, sa Maynila, at higit pa sa 20 dahilan ang pwede kong maibigay kung bakit nga ba dapat niya hindi magustuhan ang Pilipinas. Mas madami na akong nasaksihan, narinig at nalaman, at nangyari sa akin na pwede nga naman maging dahilan kung bakit nga ba talaga dapat maasiwa siya dito. Ayoko nang banggitin lahat yun, baka tamarin lang kayo magbasa. HAHA! Pero ipapuputol ko ang mga daliri ko kung wala kayong nakikitang kagaguhan sa kalye o sa kahit saan pang parte ng Pilipinas na talagang umiinit ang dugo niyo.


Mga simpleng bagay nga lang yung mga sinabi niya eh, kung tutuusin, hindi pa mabibigat yun. At kung mababaw palang yung mga sinabi niya at halos ma-dehydrate na ang mga dugo natin sa sobrang init, paano pa kaya kung nalaman pa niya yung iba pang mga bagay? Edi nagkasunugan na ng bahay dito sa inis? Oo, siyempre, nakakahiya nga naman na malaman na hindi lang talaga tayong mga pinoy ang nakakakita ng mga ganun bagay kundi pati din ang mga banyagang bumibisita dito. Nakita ko nga yung mga comments sa nasabing video ng mga noypi sa YouTube. Kesyo racist daw siya, umalis na daw siya dito sa Pinas, bakit pa daw siya nag-stay ng tatlong taon dito sa Pinas kung ayaw naman pala niya dito(kinda true), at kung anu-ano pa. Meron din namang mga sumasang-ayon, thank God.


Hindi naman sa ayaw ko na din sa bansang Pilipinas, duuuuuuuh! Dito kaya ako lumaki. Pero sumasang-ayon ako sa mga sinabi niya kasi totoo naman talaga na nangyayari ang mga bagay na iyon sa ating paligid. Although, mali lang siguro na ikumpara niya ang USA sa Pinas, mali naman siya dun. STILL! Tama pa din ang 20 dahilan niya kung bakit ayaw niya dito. Buti nga hindi niya isinama na dito lang sa Pinas merong presidenteng nagkakaroon ng isyu, pero hindi pa din nagre-resign. HAHA! Nandito yung vid kung gusto niya panoorin(http://www.youtube.com/watch?v=BGDsjGT3mtk). Pero kung wala na diyan, try niyo hanapin sa www.ChannelFix.com.

Masakit diba? Pero tama. At nasasaktan tayong mga pinoy sa sinabi dahil masakit tanggapin ang katotohanan, hindi ba? Palibhasa kasi, tayong mga pinoy, wala sa bokabularyo natin ang constructive criticism, o ang pagtanggap ng mga opinion upang gamitin para sa ikauunlad nating lahat. Eh kaso, hindi. May marinig lang tayo na salita mula sa ibang tao, banyaga man o lokal, na sinasabing ayaw nila sa mga Pilipino, o kaya naman sa Pilipinas, HALA! SIGE! Banat dito, banat doon! Negatibong komento dito, pati doon! Papaulanan ka ng mga masasamang reaksyon. Kulang nalang, ipahanap ka sa NBI at sunug-sunugin yung mga ari-arian mo pati ikaw. Ang problema sa ating mga pinoy, masyadong sarado ang isip natin para sa mga ganitong bagay. Hindi ako Pinoy hater ah? Ayokong kamuhian ang sarili kong dugo. Pero dapat lang talaga nating tignan ang liwanag sa bawat dilim, ang kabutihan sa likod ng bawat kasamaan, ang kasarapan sa likod ng bawat paghihirap. Kapag sinabihan kang bobo ng isang tao, ano ang gagawin mo o sasabihin mo dun sa tao? Magpapapugot ako ng ulo kapag totoo na sasabihin mong "Oy, hindi naman", o magpapasalamat sa taong yun. Babangasan mo agad yun, may mga kasama pang mura. Ganun ang kadalasang ginagawa mo kapag nangyayari sa iyo ang mga ganun bagay(kahit ako din naman eh).


Kung sinabihan ka ng ibang tao na bobo ka, papanindigan mo ba? Hahayaan ka nalang nilang tawaging "bobo" sa buong buhay mo? Magkukulong ka nalang ba sa kaisipan mo na bobo ka nga talaga? Kung ganun ka, wala kang karapatang mabuhay dito sa mundo, dre! Magkulong ka nalang sa banyo niyo, at ipakandado mo sa nanay mo yung pinto mula sa labas. 'Wag mong panindigan ang mga negatibong sinasabi sa'yo ng ibang tao! But take it as a challenge to yourself!!! Kumilos ka, huwag kang tumunganga. Mag-isip ka, huwag kang tumanga lang. Huwag kang makuntento sa kung anong katalinuhan ang meron ka lamang ngayon. Mag-ipon ng mga kaalaman at ibahagi ito sa ibang tao. Ibahagi ito, hindi dahil sa gustong magmayabang, pero sa nais mong tumulong!


Oo, sobrang hirap tanggapin ng mgasinabi nitong taong 'to. Pero hindi ibig sabihin nun ay titigil na ang paggalaw ng Pilipinas sa mga sinabi niya. Patuloy pa din tayong kikilos, hindi ba? Kailangan natin ng rebolusyon! Rebolusyon sa ating mga sarili! Hindi pa tayo nauubusan ng mga magagandang katangian sa ating mga sarili, sa ating bansa. Kung hindi kayo naniniwala, may ginawa din silang vid na ang title, "20 Reasons Why I Love Philippines" (http://www.youtube.com/watch?v=05aA27VkLrA). Kukutusan ko ng walang hanggan ang taong hindi sumang-ayon diyan!


Matapos ko mapanood yan, mas naniwala ako na hindi pa talaga huli ang lahat para sa mga pag-unlad. Masakit malaman, pero marami ding Pilipino ang hindi na naniniwala na may pag-asa pang umunlad ang Pilipinas. So, papanindigan mo ba? Basta ako, hindi. Ewan ko nalang sayo. Naniniwala ako na hindi pa din huli ang lahat. Silang mga banyaga na din ang nagsabi na may kagandahan pa din sa ating bansa sa likod ng mga masasamang nasabi nila patungkol sa ating bansa. Hindi pa huli ang lahat sa pagbabago. At kapag nakita ng mga pinoy na nagsasabing hindi na daw tayo uunlad na umunlad ang Pilipinas ang pag-unlad ng bansa natin, ipapakain natin yan sa mga baboy! WHO'S WITH ME!? HAHA! Marami pang mga kagandahan ang pwede nating pangalagaan. At hindi uunlad ang bayan natin kung ang mga nakakapagbasa lamang nitong blog ko ang magbabago sa sarili. Marami pa tayong kakaining bigas, ika nga ng iba. Pero mas magiging madali iyon kung isasaing muna natin, hindi ba? Maraming paraan para guminhawa ang buhay na sinisimulan sa hirap.


Imulat mo na ang mga mata mo, Pilipinas! Halina't gumising na! Sobrang sarap ng almusal!


Rebolusyon mga dre! Hindi sa gobyerno't pamahalaan, kundi sa ating mga sarili!!!


So ano, dahil ba sa sumang-ayon ako kay Jimmy Sch&*^%, ayaw niyo din sa akin? Hate niyo na din ba ako? Pwede niyong sunugin ang bahay ko, murahin at magkoment kayo sa blog kong ito. Pero tandaan niyo pa din itong mga sinabi ko.

Friday, March 9, 2012

Patuloy sa Paglalakad

Kasabawan... Kaisipan... Kamalayan... KALAYAAN!!!


WOW! Ang pinakauna kong blog ngayong taon! HAHA! Ngayon lang ako ulit nagkaroon ng kaisipan.


Marami-rami ding dumaan sa buhay ko sa mga nakalapas na mga araw, masaya at malungkot, hirap at ginhawa, sakit at langit, pagkawala ng pananampalataya at pagdududa at pagbabalik-loob. Napakadami. Pero alam niyo, hindi ko pinagsisisihan yun. Dahil nagpagaan man siya o nagpabigat ng buhay ko, alam ko na may itinuro itong aral sa buhay. Nagpalakas ito sa akin. Kung ano ang pumapatay sa akin, yun ang nagpapalakas sa akin. Kailangan ko munang maranasang sumayad at makaskas ang mukha ko sa lupa bago ko mahinga ang malinis na hangin.     Lahat ito, nagpalakas sa akin. Wala akong pinagsisisihan na nangyari  sa akin ito.

Naranasan ko ang humagulgol, lumuha, masaktan, mawalan, malayo sa Diyos,  lumuhod at maglupasay, at higit sa lahat ay ang maging tanga sa madaming kadahilanan. Naranasan ko ang  minsang sisihin ang Diyos sa mga nangyayaring masasama sa akin. Talagang sa una, hindi mo maiiwasan yung mga bagay na yun. Pero hindi siya ganun ka-normal. At unang beses ito na nangyari sa akin. Sa madaling salita, talagang mali lamang ang mga ginawa ko, nabulag sa katotohanan, tumabingi ng lubos ang pananampalataya na mas higit pa sa kaya mong maisip. Naging madilim, makulimlim, lugmok, at mahirap ang buhay ko noon. Ang daming mga tanong sa utak ko ang talagang gumuguhit sa bawat kwarto at sulok nito. Mga pagdududa na pilit na nagpapasikip sa dibdib ko. Dahil din sa mga bagay na 'to, marami akong hindi nagawa sa buhay, nalipasan ng mga oportunidad sa buhay, maraming oras kung saan ay magiging masaya ako. Napag-iwanan ako ng panahon.


Matapos kong magsimba noong nakaraang linggo, ang pagbasa nun ay tungkol kay Abraham, nung inutusan siya ng Diyos na patayin ang kanyang kaisa-isang anak. Muntikan nang gawin ni Abraham, ngunit pinigilan daw siya ng mga anghel nun. Hindi ko alam kung anong naramdaman ko matapos kong marinig ang sermon ng pari, kung saan sinabi niya, "Maging handa ka na gawin ang lahat ng gusto ng Diyos. Wag natin siyang pangunahan, ngunit sumunod ng walang alinlangan". Sa buong pagsesermon niya, bawat salita, letra, hanggang sa bawat tuldok, tumatagos sa dibdib ko, pumapasok sa isip ko ngunit hindi lumalabas sa kabilang tenga. 


Kaya hindi ako nagsisisi sa mga nangyare sa akin na ito. Marami akong natutunan. At napatunayan ko na kailangan mo talaga munang kumain ng lupa bago kumain ng manok. Imposibleng matututunan mo ang mga bagay-bagay sa buhay kung laging mataas ang lipad mo. Kailangan mo ding magkamali sa buhay hindi para maging maliit, hindi para mapagtawanan ng iba, hindi para kainisan ang sarili, kundi para makita at maranasan kung gaano kaitim ang buhay, upang maranasan ang lahat ng hirap upang malaman ang totoong ibig sabihin ng buhay, at para na din maintindihan ang hirap ng iba, at higit sa lahat ay maibahagi din ang mga aral na natutunan mo. Dahil naniniwala ako na wala kang karapatang magpayo ng mga bagay na hindi mo din naman magawa sa sarili mo.


Masasabi ko, nag-mature ako dahil sa mga bagay na to. At hindi ako nagsisisi na nangyari sa akin ang mga ito. At nagpapasalamat ako sa mga taong naging kabilang dito, at ang Diyos...






MAGKAMALI KA! NGUNIT HUWAG PAULIT-ULIT. KATANGAHAN NA YUN.