Nakakadismaya pa din talaga ang mga nababalitaan ko sa ibang tao; nagsisitaasan na ang mga ilog at mga dams, maraming mga tao na ang inilikas, binaha na ang mga lugar, 4.9 magnitude na lindol sa Mindoro, mga eskwelahan, building, pamantasan, at mga ospital na inaabot at pinapasok na ng baha at higit sa lahat...
Mga estudyanteng nagdiriwang dahil walang pasok.
At oo, dati ay isa ako dun. Hindi ko pa alam nun ang consequences kapag hinihiling ko at nagkakatotoo na wala kaming pasok dahil sa ulan. LAKING TUWA KO LAGI EH!!! Mistulang nanalo sa Tetris by 50 KOs. Siyempre, kung walang pasok, may chance pa na gawin ang mga bagay-bagay katulad ng pagpapahinga, schoolworls maybe, internet, etc. Masaya ako nun, parang one day-vacation. Tipong sobrang lakas ng ulan pero ang taas ng sikat ng araw sa kwarto mo dahil nga sa wala kang pasok. Naging ganun ang pananaw ko mula sa panahon na nag-aral ako, hanggang kahapon. Kahapon nga eh, hindi ko ata bigla nakilala ang sarili ko, dahil hinihiling ko na sana ay may pasok kami, sapagkat hindi pa kami nakakapag-blockings rehearsal para sa play namin sa Aug. 14!!! Eh Aug. 6 na nun!!! ANO ANG GAGAWIN KO!!! Dumaloy bigla sa mga ugat ko ang presyon na nawawalan na kami ng oras. At late na din kasi kami nagkuhanan ng mga artista. Tinuloy namin ang practice ngunit hindi naman namin natapos, sa kadahilanang sinuspende ang klase ng 4pm. Nagsimula lang kami ng lampas 3pm. Hindi namin natapos iyon. Napag-usapan namin na kung posible ay magkaroon kami ng rehearsal kinabukasan kung posible. Obviously, hindi na din naging posible.
Nakakabigla nga lang talaga nung nalaman ko na may nagbago sa akin, sa pagkatao kahit konti, matapos kong mabalitaan sa Twitter, sa tv, at sa Facebook ang mga kaliwa't kanang nagaganap sa paligid ko, at kung ilang tao na din ang naghihirap sa kasalukuyang panahon ng tag-ulan. Doon ko ata napagtanto ng buo ang totoong ibig sabihin ng walang pasok. Napag-isip-isip ko din na tuwing naghahayag ng walang pasok ay hindi iyon isang kagalakan para sa mga taong walang tahanan, sa mga taong may mahina na pundasyon ang bahay, sa mga lugar na bahain, sa mga bahay na pinapasok ng baha, at sa mga pamilya na nanganganib ang buhay sa tuwing may kalakasan ang ulan. At baka hindi din natin nalalaman na tuwing nagkakansela ng trabaho ang mga opisina at mga pabrika, mga pagawaan, ay bilyon-bilyon ang nawawala sa Pilipinas dahil nga sa pagtigil ng produksyon.
Huwag mong hilingin na laging suspendido ang mga klase kasi hindi mo alam kung gaano ito kasakit sa iba. |
Hindi na ako naging masaya sa tuwing masususpinde ang klase. Oo, may katamaran din ako minsan sa pag-aaral, pero mas pipiliin ko nalang na pumasok kaysa makita ang ibang tao na naghihirap mabuhay at makalikas lamang palayo sa baha, mga pamilyang iniwan ang ari-arian na masira at malubog sa baha.
Kasalanan nga ba natin ito? Tayong mga tao? Alam kong gasgas na ang isyung pagkakalat sa daanan at pagpuputol ng mga puno sa kagubatan, but still, nangyayari pa rin ito sa atin. Aaminin ko, parte din ako ng pagbaha sa mga ibang parte ng Maynila, dahil sa kung saan-saan ko lang tinatapon yung filter pagkatapos kong manigarilyo. Pero hindi lamang ako may responsibilidad sa pagbaha ng maraming parte ng Maynila, kundi tayong lahat, tayong mga tao!!!
Sabi nga sa kantang "When I Grow Up" ng Pussycat Dolls...
"Be careful what you wish for, cause you just might get it"
At kung naiisip niyo na wala kayong magawa para sa iba, pisikal ay oo, wala kayong magagawa, pero espiritwal, meron kayong maitutulong at yun ang Pagdarasal para sa kaligtasan ng iba.
Hindi natin kailangan magkaroon ng mga pisikal na bagay upang makatulong sa ibang tao, minsan mas madami pang tulong na nagagawa ang dasal.
At sa puntong ito, ay sana nababasa ito ng ibang mga estudyante diyan at mapagtanto nila ang totoong ibig sabihin ng "class suspension" para sa ibang tao, sa ibang mga mamamayan na hindi natutuwa tuwing umuulan, sa mga kapwa natin na wala namang permanenteng bahay o masisilungan.
Minsan, ang kasiyahan mo ay pighati sa iba. At ang ibig sabihin ng "kasiyahan" mo ay isang makasariling pananaw.
#PrayForThePhilippines. A trending hashtag at Twitter. |