Monday, July 8, 2013

Nasaan na nga ba ang ikaw na nakilala ko?



Nasaan na nga ba ang ikaw na nakilala ko?



Ang nakilala ko na isang masiyahing tao, mapag-unawa, malambot ang puso sa mga nangangailangan. Ang landasin na hindi nawawalay sa katotohanan at hindi sa mga kasinungalingang masasarap lamang pakinggan sa tenga. Ang taong nakilala ko na naniniwala lamamg sa tama, at hindi umaayon sa kamalian na dulot ng alon ng mundo.



Nasaan na nga ba ang ikaw na nakilala ko?


Ikaw, na wala nang binanggit tungkol sa pagmamahal lamang sa nagbigay-buhay sa iyo. Tanging ang pangalan niya lamang ang lumalaman sa iyong puso't isipan. Ngunit sa pagdaloy ng oras at panahon, nawalay ka sa iyong mahal. Nakalimutan na halos ang pinag-ugatan ng iyong paglaki, ang dahilan ng iyong paghinga dito sa mundong ibabaw. Ika'y nahuhulog sa kasalukuyan ng kabulagan sa mundo, sa silaw ng tugtugang nagpapaindak ng anak, sa mga bakal na ibinabahagi sa iyo ng mundo ngunit napupunta sa kaibuturan ng iyong ligaya at bituka. Ang iyong mga kaibigan, ang mga tunay, nasaan na nga ba sila sa puso mo? Nakaisantabi? Nakawalay? Napunta sila saan?



Nasaan na nga ba ang ikaw na nakilala ko?


Ang mapagtanong lagi sa sarili kung ano ang nararapat at kung ano ang hindi. Ang laging nagwiwika na nakataas ang kamay. Ikaw na nagtuturo rin ng wasto. Mapag-unawa at kumakabilang sa hanay ng mga tinitingala. Naglalaro pa din sa iyong isipan ang landas na nararapat tahakin. Ngunit bakit may pangangamba? Ano ito? May naglalaro sa iyong isipan? Umuukit ang mga bagay na mahalaga sa iyo sa dalawang landas? Wala ang aking repleksyon doon, ngunit matutuwa namang mag-aabot ng bukas na palad sa iyo.




Nasaan na nga ba ang ikaw na nakilala ko?



Matiwasay nga ba ako sa aking pag-iisip? Marahil sa mga guni-guning nakikita'y puro kamalian na lamang ang aking nasaksihan. Nabubulag ba ako sa wastong nagawa ninyo? Nabukod ako sa inyong tagumpay at nahanay ako sa mga di ko kilalang tao. Walang mapagtanungan, walang alam. Sa pagbangon ko sa umagang maaraw, ano nga ba ako sa iyo, sa inyo? Humarap ako sa salamin at napansin, nagulat sa aking tanong. Ang tanong pala'y para sa sarili ko. Kayo pala'y hindi nawalay.


Kasabawan... Kaisipan... Kamalayan... KALAYAAN!!!

No comments: