Kasabawan... Kaisipan... Kamalayan... KALAYAAN!!!
Ilang pangako na ata ang binitawan, hindi ko na mabilang
Sukdulang pagmamahal na sa'yo lamang inilalaan
Ikaw ang nagpakita sa 'kin ng tunay na kagandahan
Sa tuwing ang dapithapon ay ating mamasdan
Hanggang sa tuluyan nang lumubog at natapos na ang araw
Ang higpit ng iyong kapit ay hindi pa din bumibitaw
Mapapapikit at hihinga habang malayo ang tanaw
Habang ang puso ay humaling at sa tuwa'y sumisigaw
Lumalakas na ang ambon at handa na maging ulan
Kailangan nang umuwi, may payong ka ba diyan
Kahit may butas ang payong at tumulo man ang tubig
Sa anit naming dalawa'y ang kapit ko ay mahigpit
Pumara ng tricycle ngunit siya pa di'y naka-abang
Kung meron pa din bang bus na aking masasakyan
Kahit ilang minuto ang itagal, hindi siya lumilisan
Inaabangan ko din kasi ang aming huling ngitian
"Mag-text ka pag-uwi mo", yan ang bilin niya sa akin
Sa bus ako daw ay huwag matulog, baka may mangyari pa sa akin
At hanggang sa maka-uwi ako, panay pa din ang text namin
Dahil natatapos ang araw sa aming paghimbing
Kinabukasan ay dumating, tinanghali na ng gising
Bakit kaya wala man lang bati sa akin ng "good morning"
Nagpadala ako ng mensahe, sana makarating
Bumati siya sa 'kin pabalik ngunit may kakaibang dating
Bigla kong naalala, may hindi sinasadyang makalimutan
Hindi ako nagsabi nung kami ay nag-uwian
Na "naka-uwi na ako", kaya pala may ibang datingan
At doon nagsimula ang aming hindi pagpapansinan
Lumipas ang mga minuto, mga oras, mga sandali ,
Ang paumanhin at patawad ay patuloy kong hinihingi
Ngunit wala man lang kung ano, o anuman sa kung saan
Walang kibo mula sa kanya, hanggang sa nag-iba ang pakiramdam
Bigla niyang naalala ang mga away at tampuhan
Mga bagay na dapat ay nasa aming nakaraan
Hinukay pabalik ang mga alaalang namaalam
At iginapos ng dilim ang kanyang puso sa kalungkutan
Sa bawat away pala nami'y inipon niya sa kanyang dibdib
Ang bawat sakit na idinulot ng mga nakaraang alitan
Kaya sa tuwing mapupuno ay bubuhos ng biglaan
At kapag hindi na kinaya'y tatapusin na lamang
Ngunit hindi ako tumigil sa pagsuyo sa kanya
Hindi tumigil ang pagtawag ko sa kanya
Sa telepono man o sa puso, o sa dasal ko sa Kanya
Hinihiling na sana naman'y sumagot kahit sino man sa kanilang dalawa
Ang mga taong dati'y kalaban ngayon ay naging kakampi na
Ang mga tumututol sa amin, ngayon naiintindihan ko na sila
Kung hindi pa nga mag-asawa, paano pa kaya kapag kasal na
Paano magiging maayos kung ngayon plang magulo na
Sila ang mga tao kung kanino ko siya ipinaglaban
Paumanhin kung natutukso ako minsan
Na bumitaw na lamang at ang lahat ay kalimutan
Suot ko pa din ang singsing na binigay mo sa simbahan
Ang singsing na binigay mo sa 'kin noong kaarawan ko
Ang singsing na sagisag sa pagmamahalang totoo
Ang singsing na may mga dalang pangakong binitawan
Ang singsing na hindi natin huhubarin kailanman
Lumipas ang mas marami pang araw, wala pa din
Naghihintay pa din kung ano na bang mangyayari sa atin
Naghihintay na lang ba sa wala o ano ba?
Sabay nakatanggap ako ng mensaheng padala
Ang sabi mo sa akin, "magpahinga na muna tayo
Gamitin natin ang kalayaan upang makapag-isip ng kung ano
Huwag na muna tayong mag-usap, tama na muna ito
O tama na siguro to, naguguluhan pa rin ako"
Ang kwartong maliwanag ay nagdilim nung mabasa ko'y nagdiin
Ang dalawang baga ko ay parang nagbanggaan at nagdikit
Ang dibdib ko ay sumakit, ang puso ko ay kumirot
Hanggang saan pa kaya ito aabot?
O may aabutan pa ba? Meron pa ba o wala?
May bukas pa kaya para sa aming dalawa
Bakit kaya biglang naging mapaglaro ang tadhana
Ano kayang idudulot ng araw sa aking pusong lumuluha
Habang ako ay tumatangis na parang walang humpay
Pinunasan ko ang akin luha gamit ang aking kamay
Sumagi sa aking mata ang singsing na noon ay kanyang ibinigay
Napatingin at napatitig ako sa singsing sa 'king kamay
Ang simbolo ng walang hanggan ay sa bakal naka-ukit
Na binilog upang maisuot sa 'king daliri
Tila napa-isip ako naliwanagan sa 'king napansin
Ang dalawang walang hanggan ang ipinangako niya sa akin
Kaya heto pa din ako sa lugar na kung saan
Ang dapithapon ay palagi nating minamasdan
Sa bawat paglubog ng araw ay may sisilang na buwan
Ang bawat katapusan may bagong yugtong sisimulan.
Hindi pala katapusan ng araw ang gabi
Ito'y bagong kabanata upang ating harapin
Hihintayin kita, dumating ka man o hindi
Dito sa 'ting dating tagpuan, araw man o gabi