Lahat naman tayo siguro narinig na natin yung tanong na:
"Kung meron kang isang hiling na tutuparin ngayon, ano ang hihilingin mo?"
Marami tayong maaaring sagot. Pero kadalasan, at pabiro pa nga, ay ang sagot natin ay "WORLD PEACE". Kung sabagay nga naman, ano pa nga ba ang iba pa nating hihilingin kundi ang kapayapaan sa buong mundo. Isipin mo, kapag nagkatotoo yun, walang nang mamamatay dahil sa ginusto ng ibang tao, wala nang mag-aadik, wala nang korapsyon, wala nang mangmomolestiya, wala nang mambabastos, wala nang magjowa na mag-aaway sa mga mabababaw na bagay, wala nang maghihiwalay, wala nang abortion, at humahaba pa ang listahan sa mga posibleng mawala kapag nangyari yun. Magiging perpekto ang mundo. Pero ang isang perpektong mundo ay hindi perpekto. Isipin mo, kung lahat ng tao ay binigyan mo ng tig-iisang milyon, pantay-pantay. Wala nang mayaman at wala nang mahirap. Mamamatay ang depinisyon nun, ngunit kasabay naman nun ang pagkamatay ng pagbibigay-uri natin sa kung sino ang mahirap at kung sino ang mayaman.
Pero ano nga ba yung gusto kong sabihin sa pamagat ng blog ko na ito? Na para bang sinasabi ko na "kailangan ba ang alitan kung nais natin ng kapayapaan"? Sa unang dinig, parang nakaka-ulol diba? Basahin mo ulit... Oh diba? Maitatanong mo siguro, bakit hindi nalang kapayapaan agad, wala nang alitan? Kailangan pa bang mag-away bago magkaroon ng kapayapaan? Nu daw, bui?
O sige, ganito. Naniniwala ka ba na wala nang instant dito sa mundo? Maniwala ka dahil totoo. Wala nang instant sa mundo, ultimong instant noodles nga, may 3 steps pa bago maluto. Lahat ng ginagamit mo ngayon, iniisip mo ngayon, ang mga ginagawa mo, o ang mga gagawin mo palang ay dumadaan lahat sa proseso. Mayroong paghihirap, bago sarap. Isipin mo nga, bago mailathala ni Charles Darwin ang "Theory of Evolution" ay marami siyang pinagdaanan na proseso, mula sa paghuhukay ng mga kalansay ng mga sinaunang tao hanggang sa pagsasaliksik niya, hanggang sa mailathala niya ito. At maraming tumutol sa kanya, lalong-lalo na ang mga saradong katoliko, na niniwala na ang pinagmulan ng tao ay nakasulat sa libro ng Genesis 1. Maraming mga siyentipiko nung mga unang panahon ang tumawid sa pagkarami-raming proseso at mga alitan bago nila mailathala at mapatunayan ang kanilang mga nadiskubre. Teka, lumalayo na ata ako sa paksa...
Bale, sinasabi ko ba na ang proseso tungo sa kapayapaan ay dumadaan din muna sa alitan? Oo. Pero... Hmmm... Paano ko ba sasabihin to? O sige, ganito... Magbibigay ako ng dalawang aspeto sa buhay kung saan ay maikokonekta natin itong mga pinagsasabi ko sa mga realidad ng buhay. Pero bago ang lahat, nais ko munang tukuyin ang mga kahulugan ng dalawang salita na ito:
Conformity
- Ito ang salitang pinaka-ayaw ko. Ibig sabihin nito ay sumasang-ayon ka sa kabilang panig para matapos nalang ang alitan, o di kaya'y sawa ka nang makipagtalakayan sa kanya. Basta sumang-ayon ka nalang kasi sawa ka na, pagod ka nang umunawa. Sumang-ayon ka kahit labag sa iyong kalooban, kahit hindi ka niya nauunawaan. Sumasang-ayon ka dahil ang sabi ng karamihan ay "oo", kahit ang sabi mo ay "hindi".
Compromise
- Kumpirmiso... Sumasang-ayon ang dalawang panig sa iisang desisyon o kasunduan. Ito yung tipong meron kayong alitan o pinagdedebatihan, at nagkasundo kayo sa isang bagay. Nagtugma kayo sa gitna ng inyong pananaw.
Well, madali lang naman maintindihan yan eh, diba? Ayun na nga...
Sa isang lipunan o kaya ay isang grupo ng mga mamamayan na may iba't ibang paniniwala, o di naman kaya'y may mga iba't ibang paraan upang makamit ang kapayapaan sa kanila, nahahanap nila ang kapayapaan sa pag-uusap. Bukas ang isip ng dalawang panig at handang makinig at unawain ang bawat salitang sasabihin ng kabilang panig na walang agarang paghahanda ng kung ano ang maaaring isagot. Kadalasan kasi, kapag nagsasalita ang kausap natin at habang nagsasalita siya ay naghahanda na tayo ng isasagot sa kanya eh. Kailangan nating bitawan ang ganung klase ng pag-iisip. Makinig, yun lang. Kailangan mong pakawalan ang lahat ng iyong iniisip upang unawain ang kabila. Parang sa basong may tubig, kaunti lamang ang mailalagay mo kung may laman pa ito. Ihambing mo ito sa puso't isipan.
Sa love life mo, na tipong sobrang dalas niyo mag-away, mistulang naging daily routine niyo na ang mag-away. Alitan kahapon, alitan ngayon, alitan bukas. Alitan magpakailanman. Hindi natin pwedeng kalimutan ang kasabihan na "lahat ng sobra ay bawal. Lahat ng kulang ay kailanma'y hindi sasapat". May tamang timbangan para dito. Pero tungkol saan ba ang pinag-aawayan ninyong dalawa? Simpleng kababawan ba ito? O malalim na tampuhan? Ilang beses na nga ba nadapa ang relasyon ninyo? Pero alam mo, hindi ko yun dapat tinatanong eh. Ang tamang tanong ay "ilang beses niyo ba kayang tumayo ulit mula sa pagkadapa? Ilang beses mo kayang umunawa? At ilang beses mo kayang magbago, hindi para sa kanya, kundi para sa relasyon ninyong dalawa?". Ang sagot lang din naman sa mga alitang ganyan ay tamang pakikipagtalakayan o "good communication". At kapag sinabi kong pakikipagtalakayan, si babae ay makikinig kay lalake at si lalaki ay makikinig kay babae. Mag-uusap sila, tutukuyin kung ano nga ba ang problema, at handang solusyunan ito. Bukal ito sa parehong tao. Handa silang magbago para sa relasyon. Permanente sa buhay ng tao ang magbago. Pero paano mo nga ba gustong magbago? Makakabuti ba iyon sa kanya? Sa pamilya mo? Sa mga taong nakapaligid sa'yo? Kung hindi, aba'y 'wag ka nang magbago. Pero maniwala ka, magbabago't magbabago ka sa maraming paraan at sa maraming kadahilanan. A relationship is a two way-street. Parehong tao ang lumalaban para sa isa't isa, nagmamahal, umuunawa, at nagbabago. At maniwala ka, kapag nakamit ninyo ang estado ng relasyon na ganitong klase, magiging ganap ang pagmamahal ninyo sa isa't isa. Tigilan mo na yung kaka-post mo ng mga quotes tungkol sa love. Hindi perpekto ang pagmamahal, hindi gaya ng itinuturo at sinasabi ng mga page sa internet. Love is about compromise, not conformity. Mag-aaway kayo, marami kayong pagdadaanan, mahirap man o maginhawa, masaya man o hindi... Ang tanong ay "handa ba kayong harapin ang mga iyon ng sabay?".
Marahil tinatanong mo kung bakit dalawang aspeto lang ang ibinigay kong halimbawa... Wala na akong maisip eh. hehe...
Bottomline:
Kailanman, huwag kang sasang-ayon kung hindi ka naman talaga sang-ayon. Maghanap kayo ng bagay kung saan kayo magkakasundo. Kung may kailangang "pag-awayan", edi pag-awayan. Pero alam natin ang tama't wastong paraan. Kung hindi ay kinukunsinti mo lang ang sa tingin mo ay mali kapag sumang-ayon ka na lamang para wala nalang away. Hindi iyon pagmamahal sa kapwa at sa sarili.
Pero guys, hindi ko sinasabi na mag-away nalang kayo forever ah? Ang rason ng bawat pag-aawayan niyo ay dapat nasa rason na "Mahal ko ang kapwa ko(o ang jowa ko), kaya may nais akong ipaintindi sa kanya". Gawin mo ang lahat ng bagay ayon sa pagmamahal at dahil sa pagmamahal. Ngunit ang mahalin ang kapwa ay ang pakikinig mo din sa kanya.
No comments:
Post a Comment