Saturday, July 22, 2017

Perangarap

Kasabawan... Kaisipan... Kamalayan... KALAYAAN!!!





Perangarap
ni Cocoy Dulce





MGA KARAKTER:

ADRIAN - 27 taong gulang. Nagtatrabaho bilang isang freelance artist at director sa teatro.

MARC - 28 taong gulang. May-ari ng kanyang sariling kumpanya ng mga palaruan.


TAGPUAN:
Alas otso ng gabi pagkatapos ng office hours sa isang lugar ng kapehan sa kasalukuyang paahon.








Naka-upo at naghihintay si Adrian sa kanyang lamesa habang humihigop ng kape. May ipe-play siyang video mula sa kanyang cellphone. Maririnig na kumakanta ng "Happy birthday" si Adrian sa unang parte.



ADRIAN(V.O.)
Hello, Dad!


DAD(V.O.)
Oh? Bakit may video?


ADRIAN(V.O.)
Siyempre, birthday vid! Para naman makita nila tito at tita.


DAD(V.O.)
Sige na, kumain na kayo. Buksan mo na yung mga binili mo. Ano bang meron diyan?



ADRIAN(V.O.)
Teka lang! Birthday wish muna! Anong winish mo, Dad?


DAD(V.O.)
Ayoko nga sabihin! Baka hindi magkatotoo eh!


ADRIAN(V.O.)
Sige na, Dad! Para marinig ko! Malay mo baka matupad ko!


DAD(V.O.)
Haaaay, sige na nga. Wala naman akong ibang hiniling kundi ang matupad mo ang lahat ng pangarap mo sa buhay...



Papasok si MARC sa entablado. Ipo-pause ni Adrian ang video.



MARC
Adrian! Kumusta? Long time no see!


ADRIAN
Oo nga, tsong! Ayos naman ako! Ikaw?


MARC
Heto, masaya at may bagong project kami na ilalabas.


ADRIAN
College pa siguro huli nating kita, ano? Kumusta trabaho pre? Ano bang ginagawa mo doon?


MARC
Presidente ng kumpanya pre.


ADRIAN
Talaga? Bigtime ka pala eh! Sa edad mong yan, buti nakakayanan mo magpatakbo ng kumpanya! Ang galing!


MARC
Ikaw ba? Anong pinagkakaablahan mo?


ADRIAN
 Ako, freelance-freelance lang. Audition kung saan merong audition. Minsan nga, free-lang, hindi na freelance.


MARC
Kupal rates?


ADRIAN
Haha! Oo! May mga tao pa din talaga na akala nila madali lang itong larangan na tinapos natin. Kaya imbes na TF ang ibigay, TY lang at pakain. Pero at least may connections ka.


MARC
Pero akalain mo nga naman, sa sampung magkakaklase sa Theatre Arts class, ikaw lang ata ang nagpursige na ipagpatuloy ang teatro?


ADRIAN
Ewan ko ba kung bakit. Karamihan ata sa kanila, nagturo, o di kaya pumasok sa kumpanya. Ikaw ba? Hindi mo ba namimiss umarte?


MARC
Hmmm... Namimiss ko din.


ADRIAN
Naaalala ko nga, ikaw pa yung may pinakamataas na grade lagi sa major subjects sa theater arts.


MARC
Bago kasi mamatay si mama, ang huling bilin niya sa akin, ako daw ang magpatuloy sa pagpapatakbo ng kumpanya. Ayaw niya ng kurso ko diba? Pero ano ba naman ang laban ko sa huling bilin ng taong namamamatay.


ADRIAN
Bakit? Nasaan ba si Tito nun?


MARC
Naghiwalay kasi sila nun, ilang araw bago ang graduation.


ADRIAN
Hindi mo nakwento sa akin to.


MARC
 Nalungkot si mama hanggang sa nagkasakit siya. After mamatay ni mama, wala na akong balita sa tatay ko.




Magkakaroon ng katahimikan



ADRIAN
Nawala na ang alab mo?


MARC
Sa teatro? Hindi naman siguro nawala, humupa lang. Minsan naman kapag may libreng oras ako, pumupunta ako sa mga audition eh. Tinaggap ko nalang siguro na hindi ako bubuhayin ng teatro. Tsaka mahirap din mag-manage ng kumpanya.


ADRIAN
Baka naman kailangan mo lang maghanap ng kahati?


MARC
Haha! Kung may dadating, bakit hindi? Teka, oorder lang ako ng kape.


ADRIAN
Sige...




Ipe-play muli ni Adrian ang video mula sa kanyang cellphone.



DAD(V.O.)
...mga pangarap mo sa buhay. Nakapagtapos ka na ng pag-aaral. Ngayon, gusto ko namang maging matagumpay ka sa kurso na kinuha mo. Kapag pinapanood ko yung mga palabas mo, lagi ko ngang sinasabi na magiging matagumpay 'tong aktor, direktor, o kung ano man ang ginagawa mo dun. Palagi mong lang iisipin na lagi kitang susuportahan.


ADRIAN(V.O.)
Si daddy naman, ang drama! Birthday mo, akala ko ba magsasaya tayo?


DAD(V.O.)
Napasaya mo na ako, anak, bago pa dumating ang araw na ito.



Papasok ng entablado si Marc. Ipo-pause ni Adrian ang video.



MARC
Yosi pre? Baka gusto mo?


ADRIAN
Hindi na. Tumigil na ako.


MARC
Bakit? Baka maamoy ng girlfriend mo?


ADRIAN
Wala akong girlfriend noh. Asawa lang. Mahirap nang magkasakit kung wala kang stable na trabaho.


MARC
Siya nga pala...



May ilalabas na folder si Marc mula sa kanyang bag at iaabot ito kay Adrian.



MARC
Ito nga pala yung sinasabi ko kanina na iaalok ko sa'yo. Ako na mismo ang lumapit sa'yo para mas personal. Tignan mo.




Babasahin ni Adrian ang nilalaman ng folder.



ADRIAN
Isang teatro na nasa loob ng amusement center?


MARC
Oo. Ikaw agad ang naisip ko nung may nag-propose sa akin sa concepts department ko. Naaprubahan ko na 'to eh. Kailangan ko nalang ng mga kagaya mo para sa project na 'to.




Magkakaroon ng katahimikan



ADRIAN
Experimental stage?


MARC
Yup.


ADRIAN
I gotta admit, mukhang exciting itong project na 'to. Bihira ang mga companies na gumagamit ng theater as medium of marketing.


MARC
Hindi siya for marketing, actually. Yan mismo ang ima-market namin bilang bagong attraction namin.


ADRIAN
Gusto ko yung idea. Malaking ambag ito sa sining.


MARC
Siyempre! Sabi ko nga sa'yo kanina, hindi nawala ang alab ko, humupa lang.


ADRIAN
Anong trabaho ang ibibigay mo sa akin para dito?


MARC
Gusto kong ikaw ang maging direktor nito.


ADRIAN
Kaya pala personal mo akong kinita. Ilan ang shows nito?


MARC
I was thinking of making it a seasonal attraction. Tipong may iba't ibang story kada season. Siguro sa isang season, maybe Tuesday-Friday ang show, mall hours ang schedule nito.


ADRIAN
Ayos ito.




Magkakaroon ng katahimikan.



ADRIAN
 May kontrata ba 'to?


MARC
Oo, pero hindi ako gagawa nun eh. Though nagsabi na ako sa HR ko ng terms and conditions ko for it. Papapirmahan nalang nila sa'yo.


ADRIAN
Kanino ako magsasabi ng terms ko?


MARC
Corporate work ang kumpanya ko, Adrian. Kami na bahala sa mga paperworks. Ang gagawin mo nalang ay magdirek sa mga iha-hire natin na actors mo sa audition.




Magkakaroon ng katahimikan.




ADRIAN
Sabi mo ay nakagawa na kayo ng kontrata, magkano ang nakalagay doon na ibabayad niyo sa akin?


MARC
Twenty Thousand a month. Malaki na rin diba?


ADRIAN
Marc, to be honest, I really like the concept of having a theatre as an attraction. Pero medyo nag-aalangan ako sa bayad.


MARC
Huh? Twenty thousand a month. Hindi na madaling makahanap nun sa panahon ngayon. Plus, gusto mo pa yung ginagawa mo.



ADRIAN
Kung tatanungin mo kung ano ang rate ng mga direktor ngayon sa teatro, umaabot ng eight to twelve thousand ang rate ng direktor kada-araw, kada-rehearsal, at may porsyento pa sa kikitain ng play. Isipin mo kung twenty thousand ang ibabayad niyo kada buwan at ang rehearsal ay ilang araw sa isang linggo...


MARC
Hindi mo siguro naiintindihan, Adrian, na corporate ito. Kukunin ka namin bilang isa project-based employee. Ikaw ang magmamando ng play, pero ang kumpanya ang producer.


ADRIAN
Kumpanya ang producer?


MARC
Magkakaroon ka ng mga supervisor doon. Ang concepts and innovation department ang hahawak sa'yo. Susundin mo lang sila, magsasabi ka ng mga kailangan mo pero superior mo sila.


ADRIAN
Akala ko ba director ako?


MARC
Oo, direktor ka ng teatro. Sa kanila ka lang magre-report.


ADRIAN
Hindi ko maintindihan.


MARC
Ano ang hindi mo maintindihan?




Tatawagin ang pangalan ni Marc para sa kanyang kape. Tatayo si Marc at lalabas ng entablado. Ipe-play ulit ni Adrian ang video mula sa kanyang cellphone.



DAD(V.O.)
Hiniling ko din pala na magkaroon ka na din ng asawa! Kailan mo ba ako bibigyan ng apo, ha?


ADRIAN(V.O.)
Nako, dad, hindi ko alam! Magpagaling ka muna!


DAD(V.O.)
Ang torpe mo kasi! Hindi ka kasi marunong mangligaw! Puro ka nalang trabaho!



Papasok si Marc na may dalang kape. Ipo-pause ni Adrian ang video. Uupo si Marc at magkakaroon ng katahimikan.



ADRIAN
Naaalala mo pa ba kung sino ang tatlong nakatataas sa teatro?


MARC
Ang direktor, ang playwright, at ang producer.


ADRIAN
Walang nakatataas sa kanilang tatlo. Lahat sila ay may kanya-kanyang tungkulin pero hndi sila nakatataas sa iba. Hindi ko maintindihan kung paano nangyaring may nakatataas pa sa direktor sa play na ito.


MARC
Alalahanin mo, Adrian. Ikaw ang pumapasok sa kumpanya. Ikaw ang susunod sa amin. Kami ang gagawa ng terms namin sa'yo, susundin mo lang. May mga rules kami na sinusunod, may budget kami na sinusunod. May pinaglalaanan kaming budget para sa bawat project namin. Tsaka hindi ka naman tipong PETA theater company para makipag-arrange ng terms sa'yo. Nasaksihan mo na bang padaanin ng elepante ang langgam? This is me asking you personally to work for me. 




Magkakaroon ng katahimikan.



MARC
Adrian, gusto kitang tulungan. At heto na ako, naghahandog na ng tulong sa'yo. Ang kulang nalang, tanggapin mo. Alalahanin mo na korporasyong trabaho itong pinapasukan mo. Alam kong kailangan mo ito kaya ko nga ibinibigay sa'yo.


ADRIAN
Alam ko ang halaga ng output ko, Marc. At alam ko na hindi ito ang halaga ng creative work ko.


MARC
Pera-pera nalang ba 'to? Akala ko ba pagmamahal sa sining ito?


ADRIAN
Akala ko ba trabaho 'to? Marc, papasok ako sa kumpanya niyo hindi bilang isang empleyado, kundi isang taga-teatro. Ano ba ang akala mo? Na pareho lang magtrabaho ang empleyado mo sa mga taong nasa creatives? Ikumpara mo ang pagpo-produce ng output ng isang artist versus sa empleyado.


MARC
Anong ibig mong sabihin?


ADRIAN
Bawat galaw ng kamay at pahid ng pintura ng isang pintor ay umaambag sa painting na ginagawa niya. Ang bawat palo ng martilyo ng isang skulptor sa kanyang materyal ay umaambag sa nais niyang buoin. Ang bawat salita na isinusulat ng manunulat ay umaambag sa istoryang kanyang inilalathala!


MARC
Go straight to the point!


ADRIAN
Bawat konsepto, bawat ideya ng artist ay ang kanyang output. Ikumpara mo yun sa empleyado ng isang corporate work, ilang araw o buwan bago mo makita ang kanyang output.


MARC
Hindi mo ako naiintindihan. Ako ang presidente ng kumpanya at direktor ka ng teatrong hahawakan mo. Gaya nga ng pinupunto mo kanina, meron tayong kanya-kanyang trabaho. Ang trabaho ko ay mamamahala, ang magiging trabaho mo ay mag-direct ng play. Isipin mo nga kung lahat ng empleyado na papasok sa kumpanya ko, ganyan mag-isip! Alamin mo naman yung sistema na pinapasukan mo!


ADRIAN
Alam mo ba ang sistema na pinapasukan niyo?


MARC
 Hindi ito putsu-putsung kumpanya na peperahan mo lang!



Magkakaroon ng katahimikan. Babasahin muli ni Adrian ang folder.



ADRIAN
Magkano ang kikitain ng mga actor dito?


MARC
Nasa eight hundred per day.


ADRIAN
At ilang show sa isang araw ang sa tingin mong aabutin nito?


MARC
Nasa sixteen hanggang twenty shows siguro. Hindi ko pa sigurado. 


ADRIAN
Eight hundred ang sweldo ng aktor divided by, sabihin nating 20 shows sa isang araw. Magkano?


MARC
Forty.


ADRIAN
Ganyan kaliit ang ipapasweldo mo sa kanila sa bawat show? Forty pesos per output?


MARC
Adrian, hindi kita kinita para makipagtalo sa'yo tungkol dito. Kinita kita upang alukan ng trabaho. Do you want it or not? Tell me. Dahil madali lang naman maghanap ng iba na kukuha ng trabahong ito.



Magkakaroon ng katahimikan.



ADRIAN
Simple lang naman ang pwedeng mangyari, bayaran mo ako ng mababang halaga, bibigyan kita ng mababang halaga. Pero hindi ko gagawin yun dahil alam kong ikakasira din ng pangalan ko iyon. Sadyang magkaiba nga ang mundo nating dalawa. May sariling presyuhan at patakaran ang industriya nating dalawa. Naiintindihan ko na may batas kayo sa kumpanya mo. But I hope you can see through my eyes what I also mean na kailangan ko ding mabayaran at kumayod ng tama. Akala mo ba, putsu-putsu lang ako? Akala mo ba hindi ko alam ang sistema ng kontrata? You just want me to conform to your contract, walang compromise, walang "kasunduan". Oo, magkaiba ang proseso natin. Sa presyong inaalok mo, feeling ko ganun lamang ang tingin mo sa akin. Nakakababa ng pagkatao bilang isang artist. Masyado atang humupa ang alab mo.



Magkakaroon ng katahimikan. Tatayo si Marc.



MARC
Magsi-CR lang ako.



Magkakaroon ng kaunting katahimikan. Ipe-play ulit ni Adrian ang video sa kanyang cellphone.



ADRIAN(V.O.)
Para sa'yo naman ang lahat ng ito eh.


DADDY(V.O.)
Sa bawat tagumpay mo sa buhay, proud na proud ako sa'yo.


ADRIAN(V.O.)
Daddy naman, pinapaiyak mo ako eh.


DADDY(V.O.)
 Alam mo ba, nung bata ka palang, alam ko na na gusto mong umarte. At heto ka na, natupad na ang pangarap mo, ang pangarap nating dalawa. Mahalaga sa akin ang mga pangarap mo sa buhay, Adrian. Salamat sa pagpapahalaga mo sa akin. Mahal na mahal kita, anak.


ADRIAN(V.O.)
Tama na nga to...



Matatapos ang video. Magkakaroon ng katahimikan. May maririnig na tawag sa cellphone ni Adrian.



ADRIAN
Hello? Pauwi na ako... Kumain na kayo ni baby? Di bale, bago tayo pumunta ng sementeryo mamaya, kakain muna tayo. Sabihin mo muna kay Aling Rosing kung pwedeng sa susunod na buwan nalang yung renta. (hingang malalim) Magkakaroon na ako ng trabaho 'ka mo, may pera na ako sa susunod na buwan. Sige na, tatapusin ko lang to tapos uuwi na ako. Ba-bye.



Papasok si Marc sa entabalado at babalik sa mesa. Hahawakan ni Adrian ang folder at iaabot ang kanyang kamay kay Marc na parang makikipagkamay. Ngingiti si Marc at kakamayan niya si Adrian. Magdidilim ang entablado.




WAKAS

Wednesday, July 12, 2017

Hindi Pala Katapusan ng Araw ang Gabi

Kasabawan... Kaisipan... Kamalayan... KALAYAAN!!!



Ilang pangako na ata ang binitawan, hindi ko na mabilang
Sukdulang pagmamahal na sa'yo lamang inilalaan
Ikaw ang nagpakita sa 'kin ng tunay na kagandahan
Sa tuwing ang dapithapon ay ating mamasdan

Hanggang sa tuluyan nang lumubog at natapos na ang araw
Ang higpit ng iyong kapit ay hindi pa din bumibitaw
Mapapapikit at hihinga habang malayo ang tanaw
Habang ang puso ay humaling at sa tuwa'y sumisigaw

Lumalakas na ang ambon at handa na maging ulan
Kailangan nang umuwi, may payong ka ba diyan
Kahit may butas ang payong at tumulo man ang tubig
Sa anit naming dalawa'y ang kapit ko ay mahigpit

Pumara ng tricycle ngunit siya pa di'y naka-abang
Kung meron pa din bang bus na aking masasakyan
Kahit ilang minuto ang itagal, hindi siya lumilisan
Inaabangan ko din kasi ang aming huling ngitian

"Mag-text ka pag-uwi mo", yan ang bilin niya sa akin
Sa bus ako daw ay huwag matulog, baka may mangyari pa sa akin
At hanggang sa maka-uwi ako, panay pa din ang text namin
Dahil natatapos ang araw sa aming paghimbing

Kinabukasan ay dumating, tinanghali na ng gising
Bakit kaya wala man lang bati sa akin ng "good morning"
Nagpadala ako ng mensahe, sana makarating
Bumati siya sa 'kin pabalik ngunit may kakaibang dating

Bigla kong naalala, may hindi sinasadyang makalimutan
Hindi ako nagsabi nung kami ay nag-uwian
Na "naka-uwi na ako", kaya pala  may ibang datingan
At doon nagsimula ang aming hindi pagpapansinan

Lumipas ang mga minuto, mga oras, mga sandali ,
Ang paumanhin at patawad ay patuloy kong hinihingi
Ngunit wala man lang kung ano, o anuman sa kung saan
Walang kibo mula sa kanya, hanggang sa nag-iba ang pakiramdam

Bigla niyang naalala ang mga away at tampuhan
Mga bagay na dapat ay nasa aming nakaraan
Hinukay pabalik ang mga alaalang namaalam
At iginapos ng dilim ang kanyang puso sa kalungkutan

Sa bawat away pala nami'y inipon niya sa kanyang dibdib
Ang bawat sakit na idinulot ng mga nakaraang alitan
Kaya sa tuwing mapupuno ay bubuhos ng biglaan
At kapag hindi na kinaya'y tatapusin na lamang

Ngunit hindi ako tumigil sa pagsuyo sa kanya
Hindi tumigil ang pagtawag ko sa kanya
Sa telepono man o sa puso, o sa dasal ko sa Kanya
Hinihiling na sana naman'y sumagot kahit sino man sa kanilang dalawa

Ang mga taong dati'y kalaban ngayon ay naging kakampi na
Ang mga tumututol sa amin, ngayon naiintindihan ko na sila
Kung hindi pa nga mag-asawa, paano pa kaya kapag kasal na
Paano magiging maayos kung ngayon plang magulo na

Sila ang mga tao kung kanino ko siya ipinaglaban
Paumanhin kung natutukso ako minsan
Na bumitaw na lamang at ang lahat ay kalimutan
Suot ko pa din ang singsing na binigay mo sa simbahan

Ang singsing na binigay mo sa 'kin noong kaarawan ko
Ang singsing na sagisag sa pagmamahalang totoo
Ang singsing na may mga dalang pangakong binitawan
Ang singsing na hindi natin huhubarin kailanman

Lumipas ang mas marami pang araw, wala pa din
Naghihintay pa din kung ano na bang mangyayari sa atin
Naghihintay na lang ba sa wala o ano ba?
Sabay nakatanggap ako ng mensaheng padala

Ang sabi mo sa akin, "magpahinga na muna tayo
Gamitin natin ang kalayaan upang makapag-isip ng kung ano
Huwag na muna tayong mag-usap, tama na muna ito
O tama na siguro to, naguguluhan pa rin ako"

Ang kwartong maliwanag ay nagdilim nung mabasa ko'y nagdiin
Ang dalawang baga ko ay parang nagbanggaan at nagdikit
Ang dibdib ko ay sumakit, ang puso ko ay kumirot
Hanggang saan pa kaya ito aabot?

O may aabutan pa ba? Meron pa ba o wala?
May bukas pa kaya para sa aming dalawa
Bakit kaya biglang naging mapaglaro ang tadhana
Ano kayang idudulot ng araw sa aking pusong lumuluha

Habang ako ay tumatangis na parang walang humpay
Pinunasan ko ang akin luha gamit ang aking kamay
Sumagi sa aking mata ang singsing na noon ay kanyang ibinigay
Napatingin at napatitig ako sa singsing sa 'king kamay

Ang simbolo ng walang hanggan ay sa bakal naka-ukit
Na binilog upang maisuot sa 'king daliri
Tila napa-isip ako naliwanagan sa 'king napansin
Ang dalawang walang hanggan ang ipinangako niya sa akin

Kaya heto pa din ako sa lugar na kung saan
Ang dapithapon ay palagi nating minamasdan
Sa bawat paglubog ng araw ay may sisilang na buwan
Ang bawat katapusan may bagong yugtong sisimulan.

Hindi pala katapusan ng araw ang gabi
Ito'y bagong kabanata upang ating harapin
Hihintayin kita, dumating ka man o hindi
Dito sa 'ting dating tagpuan, araw man o gabi

Tuesday, July 11, 2017

Nasa Likod ng Bawat Alitan Nagtatago ang Kapayapaan

Kasabawan... Kaisipan... Kamalayan... KALAYAAN!!!





Lahat naman tayo siguro narinig na natin yung tanong na:

"Kung meron kang isang hiling na tutuparin ngayon, ano ang hihilingin mo?"


Marami tayong maaaring sagot. Pero kadalasan, at pabiro pa nga, ay ang sagot natin ay "WORLD PEACE". Kung sabagay nga naman, ano pa nga ba ang iba pa nating hihilingin kundi ang kapayapaan sa buong mundo. Isipin mo, kapag nagkatotoo yun, walang nang mamamatay dahil sa ginusto ng ibang tao, wala nang mag-aadik, wala nang korapsyon, wala nang mangmomolestiya, wala nang mambabastos, wala nang magjowa na mag-aaway sa mga mabababaw na bagay, wala nang maghihiwalay, wala nang abortion, at humahaba pa ang listahan sa mga posibleng mawala kapag nangyari yun. Magiging perpekto ang mundo. Pero ang isang perpektong mundo ay hindi perpekto. Isipin mo, kung lahat ng tao ay binigyan mo ng tig-iisang milyon, pantay-pantay. Wala nang mayaman at wala nang mahirap. Mamamatay ang depinisyon nun, ngunit kasabay naman nun ang pagkamatay ng pagbibigay-uri natin sa kung sino ang mahirap at kung sino ang mayaman.


Pero ano nga ba yung gusto kong sabihin sa pamagat ng blog ko na ito? Na para bang sinasabi ko na "kailangan ba ang alitan kung nais natin ng kapayapaan"? Sa unang dinig, parang nakaka-ulol diba? Basahin mo ulit... Oh diba? Maitatanong mo siguro, bakit hindi nalang kapayapaan agad, wala nang alitan? Kailangan pa bang mag-away bago magkaroon ng kapayapaan? Nu daw, bui?

O sige, ganito. Naniniwala ka ba na wala nang instant dito sa mundo? Maniwala ka dahil totoo. Wala nang instant sa mundo, ultimong instant noodles  nga, may 3 steps pa bago maluto. Lahat ng ginagamit mo ngayon, iniisip mo ngayon, ang mga ginagawa mo, o ang mga gagawin mo palang ay dumadaan lahat sa proseso. Mayroong paghihirap, bago sarap. Isipin mo nga, bago mailathala ni Charles Darwin ang "Theory of Evolution" ay marami siyang pinagdaanan na proseso, mula sa paghuhukay ng mga kalansay ng mga sinaunang tao hanggang sa pagsasaliksik niya, hanggang sa mailathala niya ito. At maraming tumutol sa kanya, lalong-lalo na ang mga saradong katoliko, na niniwala na ang pinagmulan ng tao ay nakasulat sa libro ng Genesis 1. Maraming mga siyentipiko nung mga unang panahon ang tumawid sa pagkarami-raming proseso at mga alitan bago nila mailathala at mapatunayan ang kanilang mga nadiskubre. Teka, lumalayo na ata ako sa paksa...


Bale, sinasabi ko ba na ang proseso tungo sa kapayapaan ay dumadaan din muna sa alitan? Oo. Pero... Hmmm... Paano ko ba sasabihin to? O sige, ganito... Magbibigay ako ng dalawang aspeto sa buhay kung saan ay maikokonekta natin itong mga pinagsasabi ko sa mga realidad ng buhay. Pero bago ang lahat, nais ko munang tukuyin ang mga kahulugan ng dalawang salita na ito:

Conformity

  • Ito ang salitang pinaka-ayaw ko. Ibig sabihin nito ay sumasang-ayon ka sa kabilang panig para matapos nalang ang alitan, o di kaya'y sawa ka nang makipagtalakayan sa kanya. Basta sumang-ayon ka nalang kasi sawa ka na, pagod ka nang umunawa. Sumang-ayon ka kahit labag sa iyong kalooban, kahit hindi ka niya nauunawaan. Sumasang-ayon ka dahil ang sabi ng karamihan ay "oo", kahit ang sabi mo ay "hindi".
Compromise
  • Kumpirmiso... Sumasang-ayon ang dalawang panig sa iisang desisyon o kasunduan. Ito yung tipong meron kayong alitan o pinagdedebatihan, at nagkasundo kayo sa isang bagay. Nagtugma kayo sa gitna ng inyong pananaw. 


Well, madali lang naman maintindihan yan eh, diba? Ayun na nga...



Sa isang lipunan o kaya ay isang grupo ng mga mamamayan na may iba't ibang paniniwala, o di naman kaya'y may mga iba't ibang paraan upang makamit ang kapayapaan sa kanila, nahahanap nila ang kapayapaan sa pag-uusap. Bukas ang isip ng dalawang panig at handang makinig at unawain ang bawat salitang sasabihin ng kabilang panig na walang agarang paghahanda ng kung ano ang maaaring isagot. Kadalasan kasi, kapag nagsasalita ang kausap natin at habang nagsasalita siya ay naghahanda na tayo ng isasagot sa kanya eh. Kailangan nating bitawan ang ganung klase ng pag-iisip. Makinig, yun lang. Kailangan mong pakawalan ang lahat ng iyong iniisip upang unawain ang kabila. Parang sa basong may tubig, kaunti lamang ang mailalagay mo kung may laman pa ito. Ihambing mo ito sa puso't isipan.


Sa love life mo, na tipong sobrang dalas niyo mag-away, mistulang naging daily routine niyo na ang mag-away. Alitan kahapon, alitan ngayon, alitan bukas. Alitan magpakailanman. Hindi natin pwedeng kalimutan ang kasabihan na "lahat ng sobra ay bawal. Lahat ng kulang ay kailanma'y hindi sasapat". May tamang timbangan para dito. Pero tungkol saan ba ang pinag-aawayan ninyong dalawa? Simpleng kababawan ba ito? O malalim na tampuhan? Ilang beses na nga ba nadapa ang relasyon ninyo? Pero alam mo, hindi ko yun dapat tinatanong eh. Ang tamang tanong ay "ilang beses niyo ba kayang tumayo ulit mula sa pagkadapa? Ilang beses mo kayang umunawa? At ilang beses mo kayang magbago, hindi para sa kanya, kundi para sa relasyon ninyong dalawa?". Ang sagot lang din naman sa mga alitang ganyan ay tamang pakikipagtalakayan o "good communication". At kapag sinabi kong pakikipagtalakayan, si babae ay makikinig kay lalake at si lalaki ay makikinig kay babae. Mag-uusap sila, tutukuyin kung ano nga ba ang problema, at handang solusyunan ito. Bukal ito sa parehong tao. Handa silang magbago para sa relasyon. Permanente sa buhay ng tao ang magbago. Pero paano mo nga ba gustong magbago? Makakabuti ba iyon sa kanya? Sa pamilya mo? Sa mga taong nakapaligid sa'yo? Kung hindi, aba'y 'wag ka nang magbago. Pero maniwala ka, magbabago't magbabago ka sa maraming paraan at sa maraming kadahilanan. A relationship is a two way-street. Parehong tao ang lumalaban para sa isa't isa, nagmamahal, umuunawa, at nagbabago. At maniwala ka, kapag nakamit ninyo ang estado ng relasyon na ganitong klase, magiging ganap ang pagmamahal ninyo sa isa't isa. Tigilan mo na yung kaka-post mo ng mga quotes tungkol sa love. Hindi perpekto ang pagmamahal, hindi gaya ng itinuturo at sinasabi ng mga page sa internet. Love is about compromise, not conformity. Mag-aaway kayo, marami kayong pagdadaanan, mahirap man o maginhawa, masaya man o hindi... Ang tanong ay "handa ba kayong harapin ang mga iyon ng sabay?".


Marahil tinatanong mo kung bakit dalawang aspeto lang ang ibinigay kong halimbawa... Wala na akong maisip eh. hehe...

Bottomline:
Kailanman, huwag kang sasang-ayon kung hindi ka naman talaga sang-ayon. Maghanap kayo ng bagay kung saan kayo magkakasundo. Kung may kailangang "pag-awayan", edi pag-awayan. Pero alam natin ang tama't wastong paraan. Kung hindi ay kinukunsinti mo lang ang sa tingin mo ay mali kapag sumang-ayon ka na lamang para wala nalang away. Hindi iyon pagmamahal sa kapwa at sa sarili.

Pero guys, hindi ko sinasabi na mag-away nalang kayo forever ah? Ang rason ng bawat pag-aawayan niyo ay dapat nasa rason na "Mahal ko ang kapwa ko(o ang jowa ko), kaya may nais akong ipaintindi sa kanya". Gawin mo ang lahat ng bagay ayon sa pagmamahal at dahil sa pagmamahal. Ngunit ang mahalin ang kapwa ay ang pakikinig mo din sa kanya.